Muling hinikayat ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga nalalabing New People’s Army (NPA) na magbalik-loob na sa pamahalaan upang makatulong sa pagdepensa ng bansa.
Ang panawagan ay ginawa ni AFP Spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla sa isang mensahe sa mga mamahayag ngayong Miyerkules, kasunod ng pagkasawi noong nakaraang linggo ng 10 miymebro ng teroristang grupo sa engkwentro sa Pantabangan, Nueva Ecija.
Ayon kay Padilla, sa pamamagitan ng pagsuko ay maaari pang makatulong ang mga dating kalaban ng gobyerno sa pagtugon sa mga panlabas na hamong kinakaharap ng bansa.
Sinabi ni Padilla, na sa pamamagitan ng pagkakaisa “mapapalakas natin ang ating depensa at mapapangalagaan ang ating soberanya.”
Kailangan aniyang magtulungan ang bawat isa para masiguro ang mapayapa at ligtas na bansa. | ulat ni Leo Sarne