Nagpaabot ng pasasalamat ang ilan sa mga pasyente sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa liderato ng Kamara.
Ito ay matapos itaas ng Philhealth sa P4,000 kada session mula P2,600 ang kanilang dialysis coverage package dahil na rin sa pagpupursige ni Speaker Martin Romualdez, alinsunod sa pro-poor policy ni Pang. Ferinand R. Marcos Jr.
Ayon Gerwin Castor, isang hemodialysis patient, malaking tulong sa kanya at kanyang pamilya ang mas mataas na dialysis benefit coverage ng PhilHealth.
“Okay po sa akin yung increase na maging P4,000 kasi malaking tulong sa ibang bayarin pa dito. Sana ‘dun napupunta sa ibang bayarin namin. Salamat po sa Kongreso sa pagsulong nyo sa Philhealth para ang mga pasyente na kagaya ko, wala kaming babayaran tuwing salang ng session namin. Maraming salamat po,” ani Castor.
Para naman sa 17-taong gulang na si Jamaica Mutia del Rosario, malaking tulong ito lalo at hindi lahat ng pasyente ay mayroong malaking kakayanang pinansyal.
“Mas okay po na taasan nila ang benepisyo, from 2,600 to 4,000 para kahit papano makatipid kami sa iba pong gastusin lalo napo sa pagda-dialysis po. Sa sobrang dami po naming dialysis patients, hindi naman po lahat kayang magbayad ng pang co-pay, injection, at pang dialyzer,” pagbabahagi niya.
Malaki rin ang pasasalamat ni Norma Gajo sa pagtaas ng coverage dahil hindi aniya sapat ang kaniyang pensyon para dito.
Aniya ipinapakita nito na mayroong malasakit ang mga opisyal ng bayan.
“It is a very great help for us, lalo na kaming matatagal ng nagda-dialysis. Financially kung tutuusin talaga yung mga pension namin hindi sapat. Very thankful kami na nag-increase kayo ng coverage for us. Speaker Romualdez, thank you very much for your efforts, ‘yung malasakit ninyo sa aming mga pasyente,” ani Gajo.
Umaasa naman si Aldrin Aguilar na maliban sa hemodialysis ay masagot na rin ang iba nilang kinakailangang gamot.
“Maraming maraming salamat kasi mabibigyan ng dagdag para sa aming dialysis galing sa kanila. Maraming maraming salamat sa kanilang gagawing tulong na ‘yan sir. Wala naman kaming mga trabaho na, kaya sana ma -cover na lahat para hindi na kami masayado mamroblema,” sabi ni Aguilar.
Una nang sinabi ni Speaker Romualdez na ang benefit package increase ng Philhealth ay makakatulong sa may isang milyong Pilipino na may sakit sa bato.| ulat ni Kathleen Forbes