Ipinahayag ng ilang kilalang organisasyon ang kanilang suporta para sa Department of Education (DepEd) sa pamumuno ngayon ni Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara.
Sa isang pahayag ng mga business groups, kanilang binigyang-diin ang pangangailangan na bigyang prayoridad ang employability ng mga nagtapos sa senior high school sa kabila ito ng pagtaas ng mga kompaniyang nagha-hire dito, ayon sa pinakahuling survey ng Philippines Business for Education (PBEd), upang matugunan umano ang malaking job mismatch sa pagitan ng kanilang mga kasanayan at mga pangangailangan sa job market.
Ibinalangkas din sa nasabing pahayag ang pangako ng nasabing sektor na makikipagtulungan sa DepEd para sa pagpapahusay ng curriculum ng SHS, pag-aalok ng mga targeted immersion programs, at pagbibigay ng mga training opportunities sa mga teacher.
Gayundin pagdating sa imprastraktura, kagamitan, teknolohiya, at iba pang mga support system na tutulong sa mga mag-aaral na mas matuto.
Maliban dito, binanggit din sa pahayag ang kahalagahan ng pagpapabuti ng senior high school at early childhood education kasama ang kanilang nutrisyon.
Kabilang sa mga kinatawan na lumagda sa pahayag ay mula sa PBEd, Makati Business Club, Private Sector Advisory Council, at Employers Confederation of the Philippines (ECOP) kasama ang ilang private educational associations. | ulat ni EJ Lazaro