Sinegundahan ng mga senador ang pahayag ng business groups na tuluyan nang i-ban ang mga POGO sa Pilipinas.
Ayon kay Senador Juan Miguel Zubiri, hindi na sapat ang sinasabing kita mula sa mga POGO para ikatwiran ang kanilang pananatili sa bansa lalo’t nagreresulta na sa iba’t ibang krimen at imoralidad ang kanilang presensya.
Mungkahi ni Zubiri, bigyan ang mga POGO ng isa hanggang dalawang taong transition bago sila tuluyang i-ban.
Sinabi naman ni Senador Joel Villanueva, na ang pagpapaalis sa mga POGO ang pinakamagandamg regalo na maibibigay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Lunes.
Nakahanda naman aniya ang mga ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Labor and Employment (DOLE) na tulungan ang halos 22,000 Pilipinong manggagawa na mawawalan ng trabaho sakaling ipagbawal na ang mga POGO.
Dinagdag rin ni Villanueva, na maliban sa mga POGO ay dapat na ring ipagbawal ang lahat ng mga online gambling sa bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion