Mga senador, suportado ang rekomendasyon ni DOF Sec. Recto na ipagbawal na ang mga POGO sa bansa

Facebook
Twitter
LinkedIn

Suportado ng mga senador ang plano ni Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto na irekomenda kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tuluyan nang i-ban ang mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Pilipinas.

Ayon kay Senate President Chiz Escudero, welcome sa kanya ang rebyu ni Secretary Recto sa mga POGO.

Iginiit ni Escudero na nasa Ehekutibo ang pagpapasya kung patuloy na pahintulutan o hindi ang operasyon ng mga POGO.

Pinunto naman ni Senador Grace Poe na ang rekomendasyon ni Recto ay patunay lang na ang sinasabing kita na inaambag ng mga POGO sa ating ekonomiya ay hindi sapat para ikatwiran ang patuloy nilang pamamalagi sa ating bansa.

Ito lalo na aniya kung titimbangin pa ang social cost na dulot ng patuloy nilang operasyon.

Binigyang-diin ni Poe na hindi nagsisinungaling ang mga numero dahil kahit noong peak ng mga POGO taong 2019 ay nasa 0.7 percent lang ang kontribusyon nila sa GDP (Gross domestic product) ng Pilipinas at ngayon ay nasa 0.2 percent na lang ito.

Sinabi pa ng senador na nakita na sa sunod-sunod na mga raid sa mga POGO na hindi epektibo ang unti-unting phase out sa mga ito.

Kaya naman panahon na aniyang ipagbawal na ang mga POGO at manghikayat tayo ng tamang mga mamumuhunan sa bansa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us