Umaasa si Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon na makasama sa highlight ng ikatlong SONA ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. ang tagumpay sa mga programa nito kontra kahirapan.
Kasama si Sec. Gadon sa mga unang dumating sa Kamara para sa saksihan ang SONA ng Pangulo.
Ayon sa kalihim, sa ilalim ng Marcos Administration, malaki na ang naibaba sa poverty incidence sa bansa.
Punto nito, lahat ng mga programa ngayon ni Pang. Marcos ay nakatutok sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mahihirap na pilipino, at masigurong walang maiiwan sa Bagong Pilipinas.
Ginagawa rin aniya ng Pangulo ang lahat para maabot ang single digit poverty rate.
Samantala, tinawanan lang ni PAPA Gadon ang kumakalat na paninirang video laban kay Pang. Marcos
Ayon sa kanya, halatang gawa gawa lang ito ng mga grupong nais siraan ang pangulo.
Gayunman, hindi naman aniya sila nagtagumpay dahil walang epekto ang video na ito sa Administrasyong Marcos. | ulat ni Merry Ann Bastasa