Magde-deploy ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng Mobile Command Center nito sa Batasan corner Commonwealth Avenue, Quezon City sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Lunes.
Layon nitong mabantayan ang kilos-protesta na isasagawa ng iba’t ibang grupo sa araw ng SONA.
Ito ay tututukan ng bagong pinahusay na Communications and Command Center ng MMDA sa Pasig City.
Ayon sa MMDA, bukod sa mobile command center na may mga CCTV monitor magpapakalat din sila ng mga ambulansya, tow truck, mobile patrol unit, motorsiklo, at mga kagamitan para sa pagkontrol ng baha sa mga itinalagang ruta at staging area.
Maglalagay din ng mga traffic advisory signage at plastic barrier sa mga alternatibong ruta para maging gabay ng mga motorista.
Inaasahan namang luluwag ang daloy ng mga sasakyan sa paligid ng Batasang Pambansa matapos ang SONA ng Pangulo. | ulat ni Diane Lear