Aabot sa 1, 000 mga residente na apektado ng pagbaha dulot ng Bagyo at Habagat ang binigyan ng ayuda sa Mandaluyong City.
Isinagawa ang pamamahagi ng tulong sa Mandaluyong City Hall kanina kung saan, dumagsa ang mga residente mula sa iba’t-ibang Barangay na nangangailangan ng tulong.
Magkatuwang sa relief operations ang Mandaluyong LGU at ang Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry (PCCCI).
Laman ng ayuda ang 1 kahon na mayroong 5 kilo bigas at samu’t saring mga delata.
Ayon sa mga benepisaryo, malaking tulong sa kanila ang relief items lalo pa at pasukan na sa mga paaralan.
Samantala, sinabi naman ng LGU na nakababangon na sila matapos ang nagdaang kalamidad at patunay dito ang pagbubukas ng klase sa kanilang lungsod. | ulat ni Jaymark Dagala