Aabot sa 25,000 na trabaho sa Japan ang iaalok sa isasagawang job fair ng Department of Migrant Workers (DMW) at Embahada ng Japan sa Pilipinas.
Ang naturang job fair ay bahagi ng pagdiriwang ng Philippine-Japan Friendship Week.
Ito ay gaganapin sa Level 3 ng Robinsons Galleria-Ortigas, Quezon City simula alas-10 ng umaga, bukas.
Ayon sa DMW, kabilang sa mga lalahok ang 15 lisensiyadong recruitment agencies na mag-aalok ng mga trabaho sa iba’t ibang industriya sa Japan.
Dadalo rin sina Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac at Minister for Economic Affairs ng Embahada ng Japan na si Nihei Daisuke upang magbigay ng mensahe at suporta sa mga aplikante.
Batay sa datos ng DMW, umaabot na sa mahigit 300,000 Filipino documented workers sa professional at skilled category ang nasa Japan. | ulat ni Diane Lear