Pinahayag ng Department of Finance (DOF) na umaabot sa halos P100 bilyon ang nawawala sa ekonomiya ng Pilipinas kada taon dahil sa patuloy na operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means ngayong araw, binahagi ni finance undersecretary Karlo Adriano na bagama’t aabot P166.59 billion ang economic benefits o perang naipapasok ng mga POGO sa bansa, aabot naman sa P265.74 billion ang economic costs o nalulugi sa ating ekonomiya mula sa patuloy nilang operasyon.
Kaya kung susumahin, aabot sa pa P99.52 billion ang nawawala sa ating ekonomiya.
Hindi pa aniya kasama dito ang tinatawag na social cost mula sa mga POGO o ang mga krimen at iba pang naitalang POGO-related illegal activities at ang epekto ng mga ganitong iligal na aktibidad sa komunidad.
Kabilang sa mga itinuturing economic cost ng mga POGO ang pagkasira ng reputasyon ng ating bansa, pag-urong ng mga mamumuhunan at ang dagdag sa law enforcement operations.
Dahil dito, nirerekomenda na ng DOF ang pagbabawal sa POGO operations sa Pilipinas. | ulat ni Nimfa Asuncion