Nagsagawa na ang National Privacy Commission (NPC) ng clarificatory hearing sa PhilHealth noong Hulyo 4 kaugnay sa nangyaring data breach sa ahensya noong 2023.
Ayon kay NPC Director Maria Theresita Patula naisumite na ang fact finding report ng Complaints and Investigation Division sa Commission en banc at naghihintay na ng adjudication.
Binigyan naman ng 15 araw ang PhilHealth upang isumite ang kanilang mga memorandum na susundan ng pagresolba ng NPC kaugnay ng posibleng paglabag sa Data Privacy law.
Aniya, umabot sa 42 million na miyembro ng PhilHealth ang naapektuhan sa data breach.
Kasama umano sa mga nakompormiso ay medical records ng pasyente, billing files na mayroong PhilHealth member record, PhilHealth member record ng mga rebel returnee sa ilalim ng PAMANA program, billing records ng mga mahihirap na pasyente, mga unipormadong tauhan ng gobyerno na namatay sa pagganap sa kanilang tungkulin, at senior citizens.
Nausisa naman ni Marikina Rep. Stella Quimbo amg Philhealth kung naipa-alam na sa mga miyembrong apektado ang nangyari.
Aniya responsibilidad ng PhilHealth na ipaalam sa mga apektadong indibidwal ang nangyari sa kanilang datos upang maproteksyunan nila ang kanilang sarili.
Pag-amin PhilHealth Chief Operating Officer Eli Santos, hindi pa nila naipaalam sa mga indibidwal na apektado ang nangyari.| ulat ni Kathleen Forbes