Ipinaliwanag ni Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto ang kanilang inilabas na memorandum circular na nag-aatas sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na i-remit sa National Treasury ang kanilang unused government subsidy.
Sa pre-SONA briefing, dinepensahan ni Recto na naayon sa batas ang ginawa ng DOF at ito ay alinsunod sa atas din ng Kongreso.
Aniya, kanila rin kinunsulta ang Government Commission for Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC), Office of the Government Corporate Counsel, at Commission on Audit (COA) bago ni-remit ang unused funds.
Ayon kay Recto, ang remittance ng PhilHealth na hindi nagamit na pondo o unused funds ay nasa ₱89.9 billion at ₱100 billion naman mula sa PDIC ay inaasahan na magpapalago ng ekonomiya ng 0.8 percentage points.
Aniya, ang mga natutulog na pondo o government subsidies ay gagamitin para suportahan ang mga proyekto ng gobyerno.
Paliwanag pa ng kalihim na ang paggamit ng unprogrammed funds mula sa GOCCs ay lilikha ng trabaho para sa tinatatayang 600,000 na mga Pilipino.
Wala naman aniyang dapat ipangamba dahil meron pang ₱500 billion na unused government subsidy ang PhilHealth. | ulat ni Melany Valdoz Reyes