Binigyang-diin ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng Trabaho Para sa Bayan (TPB) Master Plan para sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa.
Sa ginanap na National Employment Summit, ibinahagi ng Inter-Agency Committee for Trabaho Para sa Bayan (TPB-IAC) ang mga pangunahing agenda ng plano.
Kabilang dito ang pagbibigay prayoridad sa paglikha ng disenteng trabaho, pagpapalakas ng mga polisiya ukol sa paggawa, at pagtiyak ng pantay na oportunidad sa trabaho para sa lahat.
Ayon kay Secretary Balisacan, ang TPB Master Plan ay mahalaga upang matugunan ang mga hamon sa paggawa at matiyak ang mas maayos na kinabukasan para sa lahat ng Pilipino.
Ito aniya ay magsisilbing gabay upang masiguro ang sapat at de kalidad na trabaho para sa ating mga kababayan, na siya namang magpapalakas sa ating ekonomiya at magpapaunlad sa ating bansa.
Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang TPB Act o Republic Act No. 11962 noong Setyembre 2023 na nag-uutos sa pagbuo ng master plan.
Inilbas ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng TPB Act noong June 24 at ito ay magiging epektibo sa July 9. | ulat ni Diane Lear