Nireresolba na ng National Housing Authority (NHA) ang problema ng mga benepisyaryo sa mga pabahay nito sa Bulacan.
Ayon kay NHA General Manager Joeben Tai, nagsagawa na ng inspeksyon ang NHA sa mga resettlement site sa probinsya kamakailan.
Nais nito na masiguro na magkaroon ng magandang pamumuhay at asensadong komunidad ang libo-libong pamilyang benepisyaryo ng ahensya.
Isa rin itong daan upang malaman ang katayuan ng mga proyektong pabahay at higit sa lahat, ang kalagayan ng mga pamilyang nakatira.
Bago ito, nauna nang binisita ng NHA kamakailan ang 10 resettlement sites sa Lungsod ng San Jose del Monte. Kabilang sa mga kinakaharap na problema ng mga residente sa mga pabahay ng NHA ay tubig, kuryente, pagkansela ng award at amortisasyon ng mga benepisyaryo sa nasabing mga lugar. | ulat ni Rey Ferrer