Pinaghihigpit ng mga kongresista ang pagpapatupad ng ‘no balance billing, no out-of-pocket’ policy sa mga government hospitals.
Sa oversight hearing ng House Committee on Appropriations, nagtanong si Northern Samar Rep. Paul Daza kay Health Secretary Ted Herbosa kung nakakasunod ba ang mga ospital na pinatatakbo ng national government at mga lokal na pamahalaan sa no balance billing policy para sa mga mahihirap na pasyente.
Giit ni Daza, dapat saklaw ng naturang polisiya ang mga pasyente na nalagay sa pribadong kuwarto dahil walang bakante sa ward.
Sabi pa ng mambabatas na dapat tiyakin ng DOH na malinaw sa mga ospital ng gobyerno ang naturang polisiya dahil magkakaiba umano ang pagkakaintindi ng iba’t ibang ospital.
Bunsod nito isang mosyon ang inaprubahan ng Komite upang atasan si Health Sec. Ted Herbosa na magpalabas ng administrative circular upang igiit ang pagpapatupad ng no balance billing policy para sa ga mahihirap sa lahat ng ospital ng gobyerno. | ulat ni Kathleen Forbes