Nanawagan si House Committee on Information and Communications Technology Chair at Navotas Representative Toby Tiangco sa National Telecommunications Commission (NTC) na makipag tulungan sa iba pang sektor upang tuluyang masawata ang problema ng text scam sa bansa.
Paalala ni Tiangco kailangan na istriktong maipatupad ang SIM Registration Law para mapigil na ito.
Kaya nga aniya isinulong ng House Speaker ang batas ay para makapaglatag ng mekanismo na tutugon sa mga fraudulent acts.
At kung maipapatupad lang ito ng tama ay tiyak na mapipigilan ang iligal na aktibidad at mapapanagot ang mga taong nasa likod nito.
“The NTC is currently meeting with telco companies and SIM distributors and retailers. They should include in their agenda a specific initiative that will foster close collaboration to curb these scams,” saad ng mambabatas.
Binigyang diin din ng Navotas solon ang mahalagang papel ng pribadong sektor para pigilan ang cyber crimes.
“I always stress the importance of a proactive approach in effectively dealing with cybercrimes. It requires a multi-stakeholder effort, and by properly implementing the SIM Registration Act, we can gain headway in protecting Filipinos from fraudulent acts designed to obtain their personal information or, worse, use their identity for financial gain,” giit ni Tiangco.
Kamakailan lang ay nag-abiso ang Social Security System (SSS) kung saan pinag-iingat ang kanilang mga miyembro hinggil sa phishing scam gamit ang text messages.
Sinasabi sa mensahe na i-click ang isang link para sa benefit claims, contribution at MySSS registration ngunit ginagamit lang ito para nakawin ang SSS number at iba pang mahahalagang impormasyon.| ulat ni Kathleen Forbes