Muling nanawagan ang National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa mga nalalabing miyembro ng NPA na sumuko na at samantalahin ang Amnesty Program ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang panawagan ay ginawa ni NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr., kasunod ng nangyaring enkwentro sa Barangay Malbang, Pantabangan, Nueva Ecija noong nakaraang Miyerkules na nagresulta sa pagkasawi ng 10 teroristang komunista.
Ayon kay Torres, maiiwasan ang pagdanak ng dugo kung tatanggapin ng mga rebelde ang alok na amnestiya ng pamahalaan.
Batay sa pinakahuling datos ng AFP, humigit-kumulang 1,000 NPA na lang ang natitira, na target ng Amnesty Program.
Dagdag ni Torres, habang nakatutok ang AFP sa pagbuwag sa mga nalalabing pwersa ng NPA, nagsimula na rin ang NTF-ELCAC sa paghahatid ng mga batayang serbisyo sa mga dating conflict-affected areas na napalaya mula sa impluwensya ng mga komunista, sa pamamagitan ng Barangay Development Program. | ulat ni Leo Sarne