Kasunod ng mga paratang na nakasisira umano sa karagatan ang aktibidad ng Pilipinas sa West Philippine Sea, nagpaalala ang National Task Force – West Philippine Sea (NTF-WPS) sa publiko at international community na mag-ingat sa mga nagpapanggap na Chinese expert na may layuning siraan ang reputasyon ng Pilipinas.
Ayon kay National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya, mayroong patuloy na aktibidad ang Chinese state-owned media at mga nagpapanggap na Chinese expert upang magpakalat ng fake news at maling impormasyon.
Kabilang dito ang paratang na ang presensya ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal ay nagdudulot ng pinsala sa kapaligiran.
Mariing kinontra ng NTF-WPS ang mga pahayag ng mga nagpapanggap na Chinese expert at iginiit na ang China ang siyang tunay na nagdudulot ng pinsala sa karagatan, kabilang na ang kabuhayan ng libu-libong Pilipinong mangingisda. | ulat ni Diane Lear