Asahan na ang mas mapabibilis ngayon ang biyahe ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) patungo sa kanilang trabaho sa ibayong dagat.
Ito’y matapos kapwa ilunsad ngayon ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Information and Communications Technology (DICT) ang enhanced eTravel system at ang integrated OFW Pass.
Ayon sa DMW, ang integrated OFW Pass ay nakapaloob sa eGovApp at kayang maproseso ang biyahe ng isang OFW sa mabilis na panahon.
Dumalo sa isinagawang seremoniya ngayong araw sina Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac at DICT Sec. Ivan John Uy sa NAIA Terminal 1 sa Pasay City.
Kasunod niyan, nagpasalamat si Cacdac sa DICT para sa inisyatibang mapabilis at i-modernisa ang pagpoproseso ng mga biyahero at sa pagsuporta nito sa DMW.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr na gawing maginhawa ang buhay ng mga OFW gayundin ang kanilang pamilya. | ulat ni Jaymark Dagala