Inaasahan ng UP Marine Science Institute ang patuloy na paglawak ng tagas ng langis mula sa lumubog na oil tanker na MT Terra Nova sa karagatang bahagi ng Limay, Bataan.
Isang oil spill trajectory model ang inilabas nito kung saan makikita ang posibleng maging daloy ng langis batay sa umiiral na mga pattern ng panahon at kundisyon, at sa kamakailang impormasyon tungkol sa lokasyon ng mga mantsa ng langis.
Batay sa pinakahuli nitong obserbasyon, as of July 28 ay posibleng dumaloy pa ang langis patungong hilaga sa Bulacan.
Dahil rin sa patuloy na pagtagas ng langis mula sa tanker, maaaring maapektuhan din maging ang mga baybaying-dagat ng Cavite.
Una nang iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isang inter-agency task force para agarang matugunan ang epekto ng oil spill mula sa lumubog na MT Terra Nova sa Limay, Bataan. | ulat ni Merry Ann Bastasa