Inamin ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na hamon para sa kanila na bantayan at ipasara ang mga iligal na online gambling.
Sa joint hearing sa Kamara ukol sa POGO related crimes, sinabi ni PAGCOR Vice President for Offshore Gaming Licensing Department Atty. Jessa Fernandez, nagagamit ang social media influencers para manghikayat ng mga manlalaro sa iligal na online casino.
Dahil naman dito, hiniling ni House Committee on Public Order and Safety Chair Dan Fernandez ang listahan ng mga influencers na nagagamit sa pag-promote ng mga illegal online casinos, para masilip din ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Dagdag ng PAGCOR, may ilang iligal na online gambling sites din ang gumagamit ng pekeng logo ng PAGCOR para palabasing lehitimo ang kanilang operasyon.
Babala ng opisyal, walang proteksyong maibibihay ang mga iligal na online casino sa mga parokyano nito maliban pa sa pagiging accessible sa mga kabataan.
Sa 7,000 illegal online casino websites na isinumbong sa National Telecommunications Commission (NTC) at Department of Information and Communications Technology (DICT) mula 2022, nasa 5,000 na ang naipapasara ng PAGCOR. | ulat ni Kathleen Jean Forbes