P29 Project ng Department of Agriculture, ilulunsad sa 10 Kadiwa Centers bukas

Facebook
Twitter
LinkedIn

Pormal na ilulunsad ng Department of Agriculture (DA) ang malawakang pagbebenta ng murang presyo ng bigas para sa mga piling benepisyaryo bukas.

Ito ay sa ilalim ng P29 Project ng DA, na layong magbigay ng de-kalidad na bigas sa halagang P29 kada kilo sa mahigit 6.9 milyong pamilyang nangangailangan.

Sa isang pulong balitaan sa Quezon City ngayong araw, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Atty. Genevieve Velicaria-Guevarra na kabilang sa mga maaaring makabili ng bigas ang mga miyembro ng 4Ps, solo parent, at senior citizen.

Ito ay isasagawa sa 10 Kadiwa sites simula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Kabilang sa mga lugar na ito ang:

– BPI Malate sa Maynila,

– BAI Dome at NIA sa Quezon City

– FTI Taguig

– PhilFIDA sa Las Piñas City

– Barangay 167 sa Caloocan City

– Barangay Fortune at BFCT sa Marikina City

– Disiplina Village sa Valenzuela City, at

– Barangay Minuyan Proper sa San Jose Del Monte Bulacan

Dagdag pa ni Asec. Guevarra, na target ng DA na mapalawak sa Agosto ang Kadiwa Sites na makakapagbenta ng P29 kada kilo ng bigas.

Hinikayat din ng opisyal ang mga kwalipikadong mamimili na magdala ng mga identification card at ecobag upang mabawasan ang paggamit ng plastik.

Tinatayang aabot sa 69,000 metric tons ng bigas ang kakailanganin para sa buong implementasyon ng P29 Program, upang makapagbigay ng 10 kilong bigas kada buwan sa mga benepisyaryo.

Ang suplay ng bigas ay manggagaling sa National Food Authority. | ulat ni Diane Lear

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us