Kumpiskado ng Task Force Kalasag ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pakikipagtulungan kay ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo at Business Permit and Licensing Office ng Valenzuela City, ang aabot sa P7.8 milyong halaga ng hindi sertipikadong mga appliance sa bahay.
Sa operasyon kamakailan, nasamsam ang nasa 9,874 na mga non-compliant appliances tulad ng induction cooker, electric kettle, at rice cooker.
Ang mga produktong ito ay wala umanong mga Philippine Standard Marks at Import Commodity Clearance (ICC) stickers na labag sang-ayon sa Republic Act 4109 at Department Administrative Order No. 02, series of 2007.
Binigyang-diin ni DTI Secretary Fred Pascual ang seryosong panganib na dulot ng mga hindi sertipikadong item tulad ng pagkakakuryente at sunog. Nnangako naman ang Trade Chief na aalisin ng kanilang hanay ang lahat ng mga hindi sertipikadong produkto sa merkado.
Mula Abril 2024, aabot na sa 12,401 ang nakumpiskang kagamitan ng Task Force Kalasag na nagkakahalaga ng P8.76 milyon.
Hinihikayat naman ng DTI ang mga mamimili na beripkahin ang mga certification ng mga bibilhing produkto at iulat sa kanilang mga tanggapan kung makakasalubong ng mga hindi sertipikadong item.| ulat ni EJ Lazaro