Umaasa si Senate Minority Leader Koko Pimentel na iaanunsiyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Lunes ang tuluyan nang pagbabawal ng operasyon ng mga POGO sa Pilipinas.
Ayon kay Pimentel, magiging magandang hakbang para sa Pangulong Marcos ang pagtugon sa problema sa mga POGO sa kanyang SONA.
Isa ang minority leader sa mga senador na nananawagan ng total ban sa mga POGO, dulot na rin ng mga isyu at krimeng naiiuugnay sa operasyon ng mga ito sa bansa.
Sinabi ng senador, na sinisira lang ng mga POGO ang labor policy ng Pilipinas gayundin ang ating foreign relations bukod pa sa itinataguyod nito ang kultura ng pagsusugal at nakakadagdag sa kriminalidad.
Kinuwestiyon rin ni Pimentel ang sinasabing economic benefits ng mga POGO, dahil mas mataas na aniya ang nagagastos natin sa law enforcement kumpara sa kita mula sa naturang industriya. | ulat ni Nimfa Asuncion