Pinaplantsa pa ng Department of Agriculture (DA) ang ilang detalye para sa pagsisimula ng Rice-For-All Program o pagbebenta ng mas murang bigas sa general public.
Ito ay bukod pa sa P29 Program ng ahensya.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Agriculture Spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa na posibleng masimulan na sa Sabado o Linggo ang naturang programa.
Ayon kay De Mesa, isinasaayos pa ang distribusyon ng mga bigas sa Kadiwa Sites na lalahok sa pagbebenta ng Rice-For-All Program.
Ang mga supply kasi ng bigas ay manggagaling sa iba’t ibang stakeholders ng DA gaya ng mga kooperatiba at mga trader.
Kapag nasimulan ang programa maaaring makabili ng hanggang sa 25 kilos na bigas ang mga mamimili at ito ay yung well-milled rice na nabibili sa mga palengke.
Ibebenta ito sa mas murang presyo sa mga pamilihin na maglalaro sa P45 kada kilo hanggang P48 kada kilo. | ulat ni Diane Lear