Ikinatuwa ni Senador Joel Villanueva ang mabilis na pag aksyon ng Bureau of Immigration (BI) sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tuluyan nang tuldukan ang mga POGO sa bansa.
Ang pahayag na ito ng senador ay kasunod ng pagbibigay ng BI ng taning na 60 araw sa mga dayuhang manggagawa ng mga POGO at internet gaming licenses (IGLs) companies para umalis ng Pilipinas.
Giit ni Villanueva, mas maaga silang makaalis ng bansa ay mas mainam.
Mahalaga rin aniyang magkaroon ng koordinasyon ang BI at ang Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR), para siguruhing ‘accounted for’ ang lahat ng mga dayuhang POGO worker na dapat umalis ng Pilipinas.
Pinunto ng senador na batay kasi sa datos ng PAGCOR, nasa 33,000 ang foreign POGO workers hanggang nitong Marso 2024.
Sobra sa 20,000 POGO workers na bilang ng BI.
Pinanawagan rin ni Villanueva, na ang PAGCOR rin dapat ang manguna sa paglaban sa pag-usbong ng mga iligal na POGO operations sa iba’t ibang dako ng bansa. |ulat ni Nimfa Asuncion