Kapwa nanawagan ang dalawang Mindanao solons sa PAGCOR na pangalanan na ang sinasabing dating miyembro ng gabinete na nagla-lobby o nilalakad ang pagpaparehistro sa mga POGO.
Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, dapat ay mapanagot ang opisyal na ito lalo na kung ang tinulungan niyang makapag-operate ay mga iligal na POGO.
Sabi pa ni Barbers na dapat paharapin sa kongreso ang dating opisyal na ito at pagpaliwanagin sa mga aksyon na kaniyang ginawa.
“Yun, kaya nga, we urge the PAGCOR management na ilabas nyo kung sino yung cabinet official na yan. Hindi pwede maging suspense yung pagbubunyag ng mga pangalan niya, no? Kung may pagkakasala, merong nagawang pagkakamali ang mga yan, eh, dapat siguro ipahayag ng PAGCOR kung sino-sino ang mga tao sa likod nito,” ani Barbers.
Nais naman ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na imbestigahan na ng House Committee on Games and Amusements at Committee on Good Government and Public Accountability ang napaulat na pag-endorso ng dating opisyal ng pamahalaan sa mga POGO.
Magsisilbi aniya itong proper forum sa PAGCOR para pangalanan ang naturang opisyal at ipresenta ang mga ebidensya upang masampahan sila ng kaso.
Mahalaga rin aniya na matukoy kung mayroong national at local politicians na sangkot sa lobbying at kung mayroong opisyal ng PAGCOR na pinagbigyan ito.
Muli ring nanawagan sina Barbers at Rodriguez para sa tuluyang total ban sa operasyon ng POGO.
Sabi ni Rodriguez hindi kailangan ng gobyerno ang isang revenue source gaya ng POGO na sangkot naman sa human trafficking, kidnapping at maging extortion.
Sabi rin ni Barbers na mas mabigat ang ‘social cost’ na dulot ng POGO kaysa sa mawawalang kita kung tuluyang ipahinto ang kanilang operasyon.
Paalala pa ni Barbers na mismong sa China ay ipinagbabawal ang POGO ngunit nagiging kanlungan naman nito ang Pilipinas.
Hiling din ni Barbers na sana ay magkaroon na ng malinaw na posisyon ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ukol sa isyu ng POGO.
“2017, I delivered a privilege speech in Congress. I was already denouncing the move of the government to allow POGO. Kasi nga, it’s nothing but just a money laundering outlet. Well, now that it has cost a lot, no? Kung baga, yung social cost of this industry was proven to be so high that it does not, it is not commensurate to the revenues that we are getting. So, dapat magkaroon tayo ng isang matibay na posisyon dito. Dapat ang administration ay magsalita tungkol dito.” ani Barbers.| ulat ni Kathleen Forbes