PAGCOR, makikipagpulong na sa mga ahensya ng gobyerno kaugnay ng utos na ipatigil na ang operasyon ng POGO sa bansa

Facebook
Twitter
LinkedIn

Tiniyak ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na nagsisimula na ang proseso kaugnay ng utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tuldukan na ang operasyon ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO) sa bansa.

Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni PAGCOR Chairperson at CEO Alejandro Tengco na bukas ay magkakaroon sila ng pagpupulong ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma.

Tatalakayin aniya nila ang magiging estado ng nasa 40,000 na manggagawang maaapektuhan sa pagpapasara sa mga POGO.

Nagpatawag na rin si Justice Secretary Boying Remulla ng pagpupulong sa Huwebes kasama ang PAGCOR, Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC), Bureau of Immigration (BI) at Department of Justice (DOJ).

Layon aniya ng meeting na ito na makabuo ng guidelines kung paano gagawin ang pagpapasara ng mga POGO hanggang sa katapusan ng taon.

Ayon kay Tengco, sa ngayon ay nasa 44 POGO o internet gaming licensee (IGL) ang mayroong lisensya at wala na silang nabigyan ng mga bagong lisensya.

Binigyang diin rin ni Tengco na lahat ng POGO at IGL ay tutuldukan na ang operasyon.

Umaasa naman si Senator Risa Hontiveros, na sa loob ng isa hanggang dalawang linggo ay magkakaroon na ang pamahalaan ng detalyadong timeline para sa pagpapahinto ng operasyon ng mga POGO. | ulat ni Nimfa Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us