Nakatutok ang Marcos Administration sa pagpapadali ng access ng mga Pilipino sa mga murang gamot.
Bukod pa ito sa ginagawa na ng pamahalaan sa paglalapit ng serbisyong medikal, lalo na sa mga liblib na lugar.
Sa Pre-SONA briefing, sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na ang Food and Drug Administration (FDA) unang pinadali ang pag-apruba sa aplikasyon ng mga generic na gamot sa bansa.
Sa ganitong paraan, dadami ang mga gamot sa merkado na mayroong Certificate of Product Registration (CPR) na magpapababa naman ng presyo nito.
Si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., una na rin aniyang nagbaba ng kautusan para sa pagkakaroon ng Pharma Zone sa PEZA.
Ito iyong pagkakaroon ng manufacturing plant ng mga gamot sa PEZA zones, kung saan ilalagay na rin ang regulatory body upang maenggayo ang pharmaceutical companies na dito na sa Pilipinas mag-produce ng gamot.
“Para maengganyo iyong mga nagpu-produce ng gamot dito. Makakamura iyan kasi hindi na imported – ‘di ba iyong babayaran mo sa importation patung-patong ng trader iyan. So, kung ma-produce natin dito, mag-uumpisa iyan.” -Sec Herbosa
Katunayan ayon sa kalihim, mayroon nang mga kumakasang kumpaniya.
“Mayroong mga kumakasa na – iyong gamot sa TB gusto nilang i-produce dito – ang requirement lang “Puwede ba DOH bilhin ninyo iyong ipu-produce namin?” Sabi ko, “Walang problema. Mas mura iyan kaysa imported, ibibigay pa natin sa mga pasyenteng may TB.” -Sec Herbosa. | ulat ni Racquel Bayan