Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga tanggapan ng pamahalaan at mga LGU na gawing gradual o isama ang mga ispesipikong datos kaugnay sa mga sinalanta ng bagyong Carina.
Sa ganitong paraan ayon sa Pangulo, mas angkop na makatutugon ang pamahalaan, depende sa partikular na pangangailangan ng mga biktima ng bagyo, lalo’t magkakaiba aniya ang kailangan ng bawat probinsya, munisipalidad, at siyudad.
Sa Situation Briefing ngayong araw, July 25, sinabi ng Pangulo na kailangan niyang malaman ay kung ilan ang mga stranded, nasaan eksakto ang mga ito, at ano na ang sitwasyon sa kanilang lugar.
Sa ganitong paraan, mama-maximize ng gobyerno ang limitadong assets nito, at mas mabilis na makatutugon sa paghingi ng tulong ng mga residente.
Kailangan aniya ng national government na malaman ang partikular na sitwasyon sa bawat affected area upang makapag-desisyon, kung maaari na bang magpapasok ng mga truck, magsagawa ng clearing operation, magtanggal ng putik, at iba pang agarang pagtugon.
“We need specific figures, that’s why I’m trying to assess the damage. I need to know how much help do they need. Each province is different, each region is different. This has to be a measured response,” pahayag ng Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan