Mahalagang maging matatag ang Metropolitan Manila mula sa anumang banta ng sakuna maging ito ma’y gawa ng tao o hagupit ng kalikasan.
Iyan ang binigyang-diin ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. nang pasinayaan nito ang Annex Building ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) gayundin ang enhanced Command Center nito kahapon.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Teodoro na sa pamamagitan ng proyektong ito, ligtas na ang Kalakhang Maynila mula sa anumang kalamidad sa ilalim ng resilience program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Kasunod nito, kinilala rin ni Teodoro bilang chairperson ng Office of Civil Defense at National Disaster Risk Reduction and Management Council (OCD-NDRRMC) ang mga ginagawang hakbang ng MMDA upang mapanatiling ligtas at mapayapa ang Kamaynilaan.
Ginawa ng kalihim ang pahayag kaalinsabay na rin ng paggunita kahapon ng Magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Luzon may 34 na taon na ang nakalilipas. | ulat ni Jaymark Dagala