Giniit ni Senador Sherwin Gatchalian na dapat lang imbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang totoong pagkakakilanlan ng sinasabing ikatlong ‘Alice Guo’ na natuklasan ng ahensya.
Una nang sinabi ng NBI na may natuklasang isa pang “Alice Guo” na kumuha ng NBI clearance noong 2005.
Pero sa kabila ng ginagawang imbestigasyon na ito ng NBI, binigyang diin ni Gatchalian na hindi pa rin nito mabubura ang katotohanan na ang fingerprint ng Alice Guo na may litrato ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ay nag-match sa fingerprints ng Chinese national na si Guo Hua Ping kaya napatunayang iisang tao lang sila.
Pinahayag naman ni Senadora Risa Hontiveros na kahit sampu pa ang lumabas na Alice Guo sa buong Pilipinas, si Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac ang katangi-tanging Chinese citizen na naging mayor sa Pilipinas.
Binigyang diin ni Hontiveros na ang imbestigasyon ay para kay Alice Guo na hindi Filipino.| ulat ni Nimfa Asuncion