Sa gitna ng patuloy na pagbaba ng unemployment rate sa bansa, binigyang-diin ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang kahalagahan ng pagpapalakas ng pamumuhunan at pagpapatupad ng mga reporma sa paggawa upang mas mapaunlad ang kalidad ng trabaho para sa mga Pilipino.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 4.1% ang unemployment rate noong May 2024 kumpara sa 4.3% na naitala sa kaparehong panahon noong 2023.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, patuloy ang pamahalaan sa paggawa ng mga reporma pagdating sa pagpapalakas ng pamumuhunan at labor market.
Kabilang aniya ang mga proyektong pang-imprastraktura at ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) program sa nag-ambag sa pagtaas ng demand para sa mga manggagawa sa konstruksyon na nagresulta sa mas malaking job opportunities.
Samantala, upang masiguro ang patuloy na pag-unlad ng labor market, bumuo ang NEDA ng Trabaho Para sa Bayan (TPB) Plan, isang komprehensibong plano para sa paglikha ng trabaho at pagbangon ng ekonomiya.
Inaasahang matatapos ang planong ito sa pagtatapos ng taon.| ulat ni Diane Lear