Kaliwa’t kanang infra projects ang isinusulong ng Marcos administration sa MIMAROPA Region na layong palakasin ang ekonomiya ng rehiyon.
Sa distribusyon ng Presidential Assistance sa Puerto Princesa, Palawan ngayong araw (July 18), sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi lamang sa social services nakatutok ang gobyerno.
“Higit pa sa mga tulong at serbisyong ito, kami po ay patuloy na kumikilos upang palakasin ang ekonomiya ng rehiyon ng MIMAROPA,” — Pangulong Marcos.
Nariyan aniya ang Ibato-Iraan Small Reservoir Irrigation Project sa Aborlan, na nasa 95.15% na ang completion rate.
Nariyan din aniya ang road widening ng Dr. Damian Reyes Road sa Marinduque, na nasa 45.45% na ang completion rate.
Ang Balabac Military Runway, nasa 89.30% naman nang kumpleto.
Bukod dito, mayroon na rin aniyang ongoing negotiation sa pribadong sektor para sa planong Puerto Princesa Airport Development Project, upang mapaigting ang airport facilities at services.
Para naman sa Pag-asa Island Airport Development Project, on going na ang procurement ng lupa para sa runway extension. Sa oras na maisakatuparan ito, mas magiging episyente ang pagbiyahe sa isla.
“Ito’y gagawin natin sa pamamagitan ng Puerto Princesa Airport Development Project at Pag-asa Island Airport Development Project” — Pangulong Marcos.
Sabi ng Pangulo, ang mga priority infrastructure projects na ito, inaasahang magbubukas pa ng mga bagong pamumuhunan sa rehiyon, magpapadali ng pagbiyahe, at magpapatatag ng turismo.
“Kasama, siyempre sa ating prayoridad ang pagpapalago ng turismo sa inyong lalawigan at pagpapabuti pa [ng] daloy ng transportasyon dito,” — Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan