Pursigido ang pamahalaan na itulak ang panghihikayat pa ng mas maraming mga mamumuhunan gayundin ang pagpapatupad ng mga reporma upang palakasin ang productivity at makalikha ng maraming dekalidad na trabaho para sa mga Pilipino.
Ito ang tinuran ng National Economic and Development Authority (NEDA) kasunod ng ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) hinggil sa pagbaba ng unemployment rate sa 4.1 percent nitong Mayo kumpara sa naitalang 4.3 percent sa kaparehong panahon noong isang taon.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, batay sa datos ay dumami pa ang mga Pilipinong nagkaroon ng full-time job sa 2.8 million habang bumaba naman ang bilang ng mga mayroong part-time job sa 1.7 million.
Kasunod nito, binigyang-diin ng NEDA Chief ang mahalagang papel ng digital technologies sa pagpapaunlad ng mga kasanayan at kaalaman ng mga manggagawa sa pampublikong sektor.
Dahil na rin sa unti-unting paggamit ng Artificial Intelligence (AI) sa mga nasa digital sector, binabalangkas na ang Trabaho para sa Bayan Plan upang tulungan ang mga Pilpino na makasunod sa takbo ng makabagong teknolohiya. | ulat ni Jaymark Dagala