Nagtaas ng ₱5 hanggang ₱10 ang presyo ng kada tray ng itlog sa Kalentong Market sa Mandaluyong City.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, naglalaro sa ₱200 hanggang ₱270 ang kada tray ng itlog depende sa sukat nito.
Halimbawa ang bawat tray ng medium size na itlog ay nagkakahalaga ng ₱200, ang large ay nasa ₱230, extra large ay nasa ₱240, habang ang jumbo ay nasa ₱270.
Para naman sa per piraso, ang medium size na itlog ay nagkakahalaga ng ₱7, large ay nasa ₱8, extra large ay nasa ₱9, habang ang jumbo ay nasa ₱10.
Samantala, labis namang nagtataka ang mga nagtitinda ng gulay dahil pumalo sa ₱200 ang kada kilo ng kamatis.
Anila, hindi nila maunawaan kung bakit gayon na lamang kamahal ang kamatis sa kabila ng maraming suplay nito.
Nabatid na batay sa ulat ng Department of Agriculture (DA), tumaas ang presyo ng itlog dahil sa mababang suplay bunsod na rin ng pansamantalang pagsasara ng ilang poultry partikular sa Batangas.
Habang inaasahang sa susunod na isa hanggang dalawang linggo pa mararamdaman ang pagbaba ng presyo ng kamatis dahil sa pagdating sa Metro Manila ng mga suplay na magmumula naman sa Nueva Vizcaya. | ulat ni Jaymark Dagala