Inihain ni AGRI Party-list Representative Wilbert Lee ang House Bill 10531 o Rural Potable Water Supply Act na layong makapagpatayo ng potable water supply system sa buong bansa sa loob ng tatlong taon.
Ito ay para matugunan ang kawalan ng access ng nasa 40 milyong Pilipino sa malinis na tubig lalo na sa rural areas.
Giit ng mambabatas na nakababahala ang datos na ito mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) lalo na at maituturing na basic human right ang access sa ligtas na tubig.
Sakaling maisabatas, pangungunahan ng National Water Resources Board, katuwang ang Department of Health (DOH), DENR, Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Public Works and Highways (DPWH), ang konstruksyon ng water supply system.
Magiging prayoridad naman ang mga lugar na may social at health problems bunsod ng waterborne diseases.
Tugon din aniya ito sa atas ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makapagbigay ng kongkretong solusyon sa kawalan ng sapat na suplay ng malinis na tubig para sa milyong Pilipino. | ulat ni Kathleen Jean Forbes