Pagtugon sa inflation, pagpapataas ng sahod at pag-ban sa mga POGO, nais marinig ni Sen. Zubiri sa SONA ng Pangulo

Facebook
Twitter
LinkedIn

Umaasa si Senador Juan Miguel Zubiri na madidinig niya sa ikatlong state of the nation address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang plano ng administrasyon para mapababa ang inflation at ang presyo ng mga bilihin, partikular na ng bigas.

Isa rin sa mga isyung inaasahan ni Zubiri na matatalakay ni Pangulong Marcos sa kanyang SONA ay ang pagpapataas ng arawang sahod ng minimum wage earners.

Giit ng senador, hindi sapat ang mga nauna nang pinatupad na taas-sahod para makaagapay ang mga Pilipino sa tumataas na presyo ng mga bilihin.

Kasabay nito, ipinanawagan ring muli ni Zubiri na ipasa na ang inaprubahang P100 legislated wage hike ng Senado.

Hinihiling ng senador ang suporta ni Pangulong Marcos sa panukalang ito.

Sa ngayon kasi ay aprubado na ito ng Mataas na Kapulungan sa ikatlo at huling pagbasa pero hinihintay pa ang bersyon ng Kamara ng panukalang ito.

Inaasahan rin ni Zubiri na mailalatag ni Pangulong Marcos ang komprehensibong stratehiya na pagpapataas ng produksyon ng lokal na agrikultura, suporta sa mga magsasaka, at pagbabawas ng pagdepende ng bansa sa mga inaangkat na produkto.

Nais rin ng mambabatas, na madinig ang isyu tungkol sa mga POGO at ang klarong polisiya dito.

Gayundin ang legislative agenda ng punong ehekutibo. | ulat ni Nimfa Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us