Blangko pa ang Philippine Coast Guard (PCG) sa totoong layunin ng tinaguriang monster ship o China Coast Guard vessel 5901 na naglalayag sa West Philippine Sea.
Sa Saturday News Forum, sinabi ni PCG Commodore Jay Tarriela, na halos dumikit pa sa BRP Teressa Magbanua sa Escoda Shoal ang malaking barko ng Chinese Coast Guard.
Hindi rin aniya tumutugon ang CCG sa ilang beses na radio challenge ng PCG para malaman ang kanilang layunin sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Duda si Tarriela, na posibleng “intimidation o pananakot” ang pakay ng China sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Pagtitiyak ng opisyal na hindi aatras ang PCG at hindi magpapasindak sa China.
Sa halip, patuloy nitong gagampanan ang kanilang mandato na protektahan at bantayan ang karagatang bahagi ng bansa. | ulat ni Rey Ferrer