Naniniwala si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na nananatiling on-track si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang hangarin na mapuksa ang kagutuman pagsapit ng 2027 at makamit ang single-digit na antas ng kahirapan sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2028.
Kasunod ito ng inilabas na poverty rate ng Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan bumaba sa 15.5% ang antas ng kahirapan noong 2023 mula sa 18.1% noong 2021.
Ayon kay Sec. Gatchalian, magandang indikasyon ito na nagbubunga ang mga anti-poverty programs ng pamahalaan.
Matatandaang natukoy din ni Pangulong Marcos sa kanyang SONA ang tagumpay ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng DSWD na siyang national poverty reduction strategy at human capital investment program ng pamahalaan.
Bukod dito ay binigyang diin din ang Food Stamp Program: Walang Gutom 2027 na target matulungan ang nasa isang milyong “food poor” beneficiaries.
“The fight against hunger is doable and President Marcos is very supportive of this DSWD program which is now on a scale up to 21 provinces from the original five pilot areas in July 2023,” ani Gatchalian. | ulat ni Merry Ann Bastasa