Inihain ngayon ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang isang resolusyon para paimbestigahan ang paglipana ng pekeng birth certificate at pasaporte para sa mga foreign nationals.
Sa kaniyang House Resolution 1802, inaatasan ang House Committee on Local Government at House Committee on Justice na busisiin kung paano nakakakuha ang mga dayuhan ng pekeng birth certificate at iba pang dokumento gaya ng pasaporte.
Bunsod na rin ito ng mga naisiwalat sa hearing ng House Committee on Public Accounts kung saan nakakabili ang mga foreigners ng lupain gamit ang mga dokumento na pineke.
Tinukoy rin ng mambabatas ang lumabas sa imbestigasyon ng Senado noong November 17, 2023 na may 308 na indibidwal na gumamit ng pekeng birth certificate para sa kanilang passport application.
Nito lang July 11 2024, natuklasan ng NBI ang nasa 200 fictitious birth certificates ng pawang mga Chinese national na nakuha mula sa local civil registry ng Sta. Cruz Davao del Sur.
Nasundan ito ng pagkakadiskubre sa dagdag pang 1,000 na pinekeng birth certificate noong July 16.
Mahalaga aniyang maimbestigahan ito upang mapanatili ang integridad ng ating indentification system at national security.| ulat ni Kathleen Forbes