Pumayag na ang Philippine Plaza Holdings, Inc. na walang aalisin na empleyado hanggang sa muling magbalik operasyon ang isinara na Sofitel Hotel.
Ito ang resulta ng isinagawang mediation proceedings na pinangunahan ng National Conciliation and Mediation Board ng Department of Labor and Employment sa Maynila.
Sa naturang pulong, hiningi ng mga naapektuhan na mga empleyado na sila pa rin ang kukunin sakaling muling magbalik operasyon ang Sofitel Hotel.
Bagamat inalok ng kompanya ang mga empleyado ng separation pay, hindi nila ito tinanggap bagkus sinabing maghihintay sila hanggang sa muling mag bukas ang naturang five star hotel.
Matapos pumagitna sa mga empleyado at management ang pamahalaan, pumayag ang Philippine Plaza Holdings Inc na manatili ang mga empleyado.
Magbibigay din ng tulong ang management sa mga empleyado habang isinasagawa ang konstruksyon ng hotel.
Hindi rin aalisin ang kasalukuyang collective bargaining agreement at mananatili rin sa kanilang mga posisyon ang mga rank and file employees.
Ang Sofitel Hotel ay nagsara nitong June 30, 2024 dahil sa kalidad ng gusali matapos itong itayo, may 43 taon na anv nakakaraan. | ulat ni Michael Rogas