Abala na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagsasapinal ng lalamanin ng kaniyang talumpati para sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) sa Lunes (July 22).
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), kaya walang public engagement ang Pangulo ngayong araw (July 17), ay dahil hands on o personal nitong tinututukan ang kaniyang SONA speech.
Tinututukan na rin ni Pangulo ang iba pang paghahanda para sa nalalapit na SONA.
Kung matatandaan, una nang sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na lalamanin ng kaniyang SONA speech ang estado ng ekonomiya at crime situation sa bansa.
Ilalahad rin aniya niya ang kinahinatnan ng mga una na binanggit sa mga nagdaang SONA.
“Ibabalita ko kung ano ‘yung mga naging progress doon sa ating mga ginagawa. Iyong ating mga binigkas noong una, noong mga unang SONA ay ire-report ko. Kasi ang SONA, report sa bayan ‘yan. So, ire-report ko kung talaga bang ‘yung mga sinimulan natin ay tuloy-tuloy at maganda pa rin ang progress at kung gaano pa katagal bago matapos ‘yung malalaking project na ‘yan.” -Pangulong Maros Jr.
Sabi ng Pangulo, inaayos na nila kung alin sa mga ito ang detalyadong ilalahad sa SONA lalo’t posible na masyadong mahaba ito para sa isang oras kung iisa-isahin. | ulat ni Racquel Bayan