Tuluyan nang inaprubahan ng Mababang Kapulungan ang House Bill 10439 o Medical Cannabis Law.
Sa ilalim nito, gagawing ligal para sa mga kuwalipikadong pasyente ang paggamit ng medical cannabis.
Itatatag rin nito ang Medical Cannabis Office (MCO) na siyang maglalatag ng regulasyon kaugnay ng pag-angkat, pagtatanim, paggawa, pagtatago, distribusyon, at pagbebenta ng medical cannabis ng mga awtorisadong ospital, klinika, drug store, accredited dispensaries, at iba pang health facility.
Ang MCO rin ang mag-a-accredit ng mga doktor na maaaring magreseta ng medical cannabis.
Isang Joint Congressional Oversight Committee ang bubuoin na siyang magsasagawa ng taunang pagrepaso sa panukala.
Bawal sa isang accredited na doktor na magbigay ng reseta ng medical cannabis na gagamitin ng mahigit isang taon, paggamit nito ng walang reseta at lagpas sa itinakdang dosage.
Anim na buwan hanggang anim na taong pagkakakulong at multa na ₱500,000 hanggang ₱1 million naman ang itinakdang parusa para sa mga lalabag. | ulat ni Kathleen Jean Forbes