Hinikayat ni AGRI Party-list Representative Wilbert Lee ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isama sa priority measures ang Kadiwa Agri Food-Terminal Act.
Ito ay sa gitna ng plano ng pamahalaan na palawigin ang “Bigas 29” Program.
Sa ilalim kasi ng panukala gagawing batas ang pagtatayo ng mga Kadiwa Centers sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa bansa.
“Considering the gains of the ‘Bigas 29’ Program in Kadiwa stores as effective venue where Filipinos can access cheaper food, this measure aims to support our local food producers and effectively promote the growth of our agricultural markets. These agri-food terminals serve as a place where local farmers and fisherfolks can sell their goods directly to the consumers and the general market,” sabi ni Lee.
Batay na rin sa anunsyo ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., simula August 1 ay aakyat na sa 23 na Kadiwa store sa National Capital Region (NCR) at dagdag na tatlong provincial areas ang makakapagbenta ng ₱29 kada kilo ng bigas.
Apela pa ni Lee kay Laurel na gawing standard operating procedure na awtomatikong ilaan ng National Food Authority (NFA) ang aging stock at unhusked palay para sa naturang rice subsidy program, basta’t matitiyak na maayos na kalidad pa rin ito.
“Natutuwa tayo na mag-eexpand ang coverage ng “Bigas 29” ng Department of Agriculture (DA) sa mga lugar na labas sa Metro Manila. Pero ang maganda sana, kapag may nakitang aging stocks na sa imbentaryo ng NFA, awtomatiko na itong ilaan sa “Bigas 29″ para mas maraming Pilipino ang makikinabang sa mas murang bigas,” sabi pa ni Lee. | ulat ni Kathleen Jean Forbes