Panukalang ganap na magbabawal sa mga POGO, inihain ni Sen. Joel Villanueva

Facebook
Twitter
LinkedIn

Naghain si Senador Joel Villanueva ng panukalang batas na layong tuluyan nang burahin ang lahat ng bakas ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO) sa Pilipinas.

Ayon kay Villanueva, ito ay bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ganap nang i-ban ang mga POGO sa Pilipinas.

Sa Senate Bill 2752 ni Villanueva, isinusulong na permanente nang kanselahin ang lisensya ng mga POGO na iginawad ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Oras na maging ganap na batas, bibigyan ang mga POGO ng 30 days para itigil na ang kanilang operasyon.

Nakasaad rin sa panukala na kapag tumanggi ang isang POGO company na itigil ang kanilang operasyon, ang mga opisyal nito ay mahaharap sa 12 hanggang 20 years na pagkakakulong o multang aabot sa P100 million.

Ang mga dayuhan namang mahuhuli ay mahaharap sa deportation pagkatapos ng kanilang sentensya.

Binigyang diin rin ni Villanueva, na ang POGO ban ay dapat ring magresulta sa repeal o pagpapawalang bisa ng Republic Act 11590 o ang batas na nagbubuwis sa mga POGO. | ulat ni Nimfa Asuncion