Malabnaw ang tugon ng Department of Justice (DOJ) sa itinutulak na gawing star witness si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo laban sa mga opisyal ng gobyerno na protector ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operation (POGO).
Ayon kay Justice Undersecretary Nicolas Felix Ty, masyadong maaga pa para gawing star witness ang alkalde dahil hindi pa naman siya umaamin sa kanyang koneksyon sa mga POGO lalo na sa bayan ng Bamban.
Marami rin daw requirements ang hinihingi ng batas bago gawing star witness ang isang indibidwal.
Una nang lumutang ang suhestyon sa Senado na gawing star witness si Guo para ituro nga kung sino ang mga opisyal ng pamahalaan na protector at nakikinabang sa POGO.
Pero sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian, kailangan munang pangalanan ng alkalde ang mas mataas sa kanya na opisyal bago ikonsidera ang pagiging star witness nito.
Kamakailan lamang, ibinunyag ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na may isang dating Cabinet secretary ang nag-lobby sa kanila para paburan ang isang POGO applicant. | ulat ni Mike Rogas