Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ng Senate Bill 2457 o ang panukalang huwag nang gamitin ang mother tongue bilang medium of instruction o lenggwahe sa pagtuturo mula kindergarten hanggang grade 3.
Unanimous ang naging botohan at pumabor ang dalawampu’t dalawang senador sa pagkakaapruba ng panukalang ito.
Sa ilalim ng panukalang ito ni Senate Committee on Basic Education chairman Senador Sherwin Gatchalian, iminumungkahi na maliban sa mga monolingual classes mula Kindergarten hanggang Grade 3, ang pagtuturo ng basic education ay magpapatuloy gamit ang Filipino at, maliban na lamang kung itakda ng ibang batas, ang Ingles.
Suhestyon ni Gatchalian ang paggamit ng mga lokal na wika bilang auxiliary media of instruction o pantulong na wika sa pagtuturo, na ayon sa mambabatas ay mas flexible na pamamaraan na nakasaad mismo sa Saligang Batas.
Samantala, sa sesyon ng Senado ngayong hapon muling naihalal si Senador JV Ejercito bilang deputy majority leader.
Si Senador Christopher ‘Bong’ GO, pinalitan si dating Sonny Angara bilang chairman ng Senate Committee on Youth samantalang pinalitan naman ni Senador Mark Villar si Senador Lito Lapid bilang chairman ng Senate Committee on Games and Amusement. | ulat ni Nimfa Asuncion