Tiniyak ni Senate Committee on Finance Chairperson Senator Grace Poe na sa darating na budget deliberations para sa panukalang 2025 national budget ay dadaan sa butas ng karayom ang flood control budgets ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at iba pang mga ahensya ng gobyerno.
Ginawa ng senator ang pahayag kasunod ng naranasang matinding pagbaha dulot ng habagat at bagyong Carina.
Ayon kay Poe, tila hindi tugma sa tumataas na budget allocation para sa flood control projects taon-taon ang lumalalang problema sa baha sa Metro Manila.
Hinikayat rin ng senator ang mga ahensya ng pamahalaan at local government units (LGUs) na tiyaking hindi nahaharangan ng mga ipinapatayong imprastraktura ang mga daanan ng tubig.
Una nang kinumpirma ni Senate President Chiz Escudero, na magkakasa ang Senado ng pagdinig tungkol sa pagiging epektibo ng flood control projects sa bansa.
Ibinahagi pa ng senate leader, na sa ilalim ng kasalukuyang national budget o 2024 General Appropriations Act (GAA), nasa P255 billion ang alokasyon para sa flood control projects ng DPWH. | ulat ni Nimfa Asuncion