Kinuwestiyon ni ACT Teacher Party-list Representative France Castro ang bilang ng mga unfilled position sa Department of Education (DepEd) na hanggang sa ngayon ay nananatiling bakante.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriation sa budgetary performance ng DepEd para taong 2024, sinabi ni Castro na nasa 20,000 pa rin ang unfilled position para sa teacher 1, 2 and 3 teaching positions hanggang sa ngayon.
Pinagsusumite rin ng lady solon ang DepEd ng catch-up plan sa utilization ng kanilang budget para sa pag-hire ng DepEd personnel, dahil aniya taon-taon na lamang itong nire-request at hanggang ngayon ay hindi pa rin napupunuan.
Sa panig naman ng DepEd, sinabi ni Undersecretary Wilfredo Cabral nasa proseso na sila ng hiring sa mga bakanteng posisyon simula pa noong Enero at inaasahan itong matatapos ngayong taon.
Nagbigay din ito ng update sa committee na nasa nine percent na ang napunuang posisyon habang nasa 30 percent naman ang nasa proseso ng employment.
Nangako rin ito sa harap ng lawmakers na ngayong August 2024 ay tuluyan na nilang mapupunuan ang kanilang mga vacancy, kasunod ng kanilang atas sa kanilang regional directors na magsagawa na ng “catch up plan” sa 22,000 na vacant positions. | ulat ni Melany Valdoz Reyes